116 menor de edad, natimbog ng NCRPO sa drug operations mula Enero hanggang Hunyo
Umabot sa mahigit 100 ang menor de edad ang nahuli ng pulisya sa Metro Manila sa mga drug operations na isinagawa mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon batay sa datos ng National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO).
Ayon kay NCRPO director Chief Supt. Guillermo Eleazar 116 menor de edad ang naaresto mula Enero hanggang Hunyo 17 kung saan mas mataas ito ng 24 porsyento sa 88 naarestong menor de edad sa kaparehong panahon noong 2017.
Ayon sa nasabing datos ng PNP, ang Metro Manila ang isa sa mga rehiyon kung saan pinakamarami ang napatay sa anti-illegal drug operations.
Sa ilang mga kaso, sinabi ng pambansang pulisya na ang mga naarestong kabataan ay ginagamit ng kanilang mga magulang bilang drug couriers habang ang iba naman ay naaresto sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Pinakamaraming naarestong menor de edad ang Manila Police District na may 35; sinundan ng Quezon City Police District na may 27 habang 18 naman ang natimbog sa CAMANAVA o Caloocan Malabon, Navotas, Valenzuela Area.
Ang pagkakasangkot ng mga kabataan sa kalakaran ng iligal na droga ang nagtutulak sa Philippine Drug Enforcement Agency na isailalim sa random drug test ang mga kabataan mula sa Grade 4 level.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.