“ISTAMBAYS” AT KRIMEN SA BAWAT BARANGAY” sa WAG KANG PIKON with Jake Maderazo

By Jake Maderazo June 24, 2018 - 11:36 AM

Nakalilibang ang mga argumento sa panghuhuli sa mga “istambays” na lumalabag sa mga lokal na ordinansa.

Sabi ng kontra, mas makapangyarihan ba sa “Bill of rights” ang mga ordenansa?  Mga addict at tambays, babae lamang daw ang kaya ni Duterte.  Bakit inuubos niya ang mga mahihirap? Isa raw pangga-gago ang sabihin na “sinita” lamang at hindi inaaresto ng pulis ang mga istambays. Sabi pa nila, taas presyo ang problema hindi mga istambay. Bigyan sila ng trabaho, huwag patayin. Nabibigyan daw ng poder ang mga pulis para abusuhin ang mga taong di nila gusto. Marami rin daw istambay ang nakakatulong sa mga problema tulad ng emergency, sunog o kuyog laban sa mga kriminal. Pero, tuluyan nang sumakay ang oposisyon, kumampi sa mga “tambay” at halos tawaging demonyo ang Duterte administration.

Sabi ng pabor, protektado lang daw ni Duterte ang mamamayan sa mga addict, lasenggo, hoodlum, bastos at mga kriminal na istambay. Bakit ngayon lang ginawa, dapat noon pa?  Ang panghuhuli ay “crime prevention” at disiplina sa   baranggay dahil sila ang mitsa ng gulo sa kanilang lugar. Sabi pa, hindi lahat ng tambay ay kwalipikadong magtrabaho. Marami ay talagang “batugan” at di kumakayod ng parehas at drug pushing ang ginagawa. Mas dapat daw protektahan hindi mga tambay, kundi mga tax payers at “law abiding citizens”. Meron bang istambay na mayayaman sa lugar ng mga oposisyon, tanong naman ng iba?

Sinabi naman ng PNP-NCRPO na bumaba ang krimen nang magkampanya sila sa mga istambay. Doon sa namatay na arestadong si Genesis Argoncillo, dalawang presong Sputnik na nambugbog sa kanya ang kinasuhan ng murder at ni-relieve naman ang police chief at iimbestigahan kasama ng apat pa sa Novaliches station. Nag-utos din ang PNP NCRPO na tanging mga istambay na nakahubad, nag-iinuman, naninigarilyo o nagsusugal at lumalabag sa ordenansa ang sisitahin at aarestuhin.

Sa ganang akin, napakalaking problema talaga ang disiplina sa ating mga Pilipino. Noong Martial law ni Marcos, tumahimik ang mga baranggay. Hinahabol ng militar ang mga komunista lamang, CPP-NPA, NDF, KM, LFS at hindi priority ang mga kriminal. Pero,talagang mahigpit din laban sa mga sugalan, inuman sa kalye, nakahubad sa kalsada;  at maraming nagpapatrulyang pulis na ang ikakaso sa mahuhuli ay bagansya. Nagkaroon talaga ng totoong disiplina.

Ngayon, maraming kalaban,  bukod sa komunista, nariyan ang ISIS terrorists, drug syndicates, shabu business , at iba pang sindikatong kriminal na nagtatago sa mga baranggay. Sa mga “depressed areas”, nagkalat ang mga siga-siga, mga bata-bata ng corrupt na mga pulis, baranggay o lokal na opisyal. Mas titindi pa ang peace and order situation dahil halos 110 milyong Pilipino na tayo.

Sa dalawang taon ni Duterte, madugo ang pagkamatay ng higit 7,000 drug pushers at addict, kasama ang maraming law enforcers,pulis o sundalo na nasawi sa mga operasyon. Ang PNP, PDEA, NBI, at maging justice system ay sumailalim sa matinding paglilinis, tanggalan ng mga ninja cops hanggang sa ranggong General, piskal, huwes, mayor at gobernador.

At bagamat nabawasan na, nagkalat pa rin ang kriminalidad sa lipunan. Ang kampanya para tugisin ang mga kriminal na istambay ay isang paraan para tumahimik at madisiplina ang bawat lugar.   Kung hindi aaksyon ang gobyerno ngayon, kailan pa?

TAGS: Oplan Tambay, PNP, Oplan Tambay, PNP

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.