Mga tauhan ng PNP Custodial Center napahamak sa selfie picture ni dating Sen. Bong Revilla
Napahamak ang mga tauhan ng PNP Custodial Center sa Camp Crame sa selfie picture na ipinost ni dating Sen Bong Revilla Jr. sa kanyang social media account.
Iniimbestigahan ngayon ang mga bantay ni Revilla sa hinala na nakapagpuslit ng cellphone ang dating senador sa kanyang selda at ito ang kanyang ginamit sa pagkuha ng larawan sa sarili.
Sinabi ni Police Supt. Benigno Durana na iimbestigahan nila ang pangyayari dahil mahigpit na ipinagbabawal ang cellphone o anuman gadget sa mga detenido.
Dagdag pa ni Durana maging ang mga dalaw ay bawal magdala ng gadget sa loob mg police detention facility.
Sa kaniyang post ipinakita diumano ng dating senador kung gaano na siya ka-bored sa loob ng kulungan.
Tiniyak ni Durana na kapag napatunayan na may mga bantay na kasabuwat sa pagkakapasok ng cellphone ay makakasuhan ito.
Biyernes ng umaga kinupirma ni Durana na may nakuha silang cellphone mula kay Revilla nang magsagawa sila ng inspeksyon sa selda nito.
Itinanggi nito na maluwag ang seguridad sa kulungan ng mga high profile detainees.
Apat na taon ng nakakulong si Revilla dahil sa kinahaharap nitong kasong plunder bunsod ng pork barrel scandal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.