Malacañan walang nakikitang problema kung hindi Maynila ang magiging kabisera sa ilalim ng federal government
Walang nakikitang problema ang Palasyo ng Malacañan sakaling hindi na ang lungsod ng Maynila ang magiging kabisera ng Pilipinas sa ilalim ng federal government.
Sa isang press briefing sa Cotabato City, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na walang problema kung ililipat ang kabisera ng bansa. Aniya, maging ang ilan sa mga ahensya ng pamahalaan ay lumilipat na mula sa Maynila.
Dagdag pa ng tagapagsalita, ang Kongreso ang bahalang magdesisyon sa kung aling lungsod sa bansa ang magiging bagong kabisera.
Ang pahayag ni Roque ay kasunod ng sinabi ni Atty. Roan Libarios na isang miyembro ng consultative committee para sa charter change, na wala namang mandato sa ilalim ng panulakang pagpapalit ng pamahalaan na mananatiling sentro ng Pilipinas ang Maynila o Metro Manila.
Ani Libarios, wala pa silang napagdedesisyunang magiging federal capital at bukas sila sa mga suhestyon.
Samantala, inaasahan namang mailalahad na ng concom ang resulta ng kanilang pag-aaral para sa bagong charter sa buwan ng Hulyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.