“Buhay Carinderia North Luzon Roadshow” hindi alam ng DOT
Walang kinalaman ang Department of Tourism o DOT sa napaulat na “Buhay Carinderia North Luzon Roadshow.”
Ito ang nilinaw ni Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat, sa pamamagitan ng isang statement na inilabas ngayong araw.
Giit ng kalihim, suspendido ang lahat ng mga proyekto ng Tourism Promotions Board o TPB.
Ipinaalala ni Puyat ang isang memorandum na may petsang May 18, 2018 kung saan kanyang inatasan ang suspensyon ng implementasyon ng lahat ng TPB projects kasama na ang “Buhay Carinderia” food tourism program dahil ang mga ito ay sasailalim sa review ng Office of the Secretary, katuwang ang Commission on Audit.
At dahil suspendido ang pagpapatupad ng programa at nakabinbin ang COA review, binigyang-diin ni Puyat na ang anumang aktibidad na may kinalaman sa Buhay Carinderia project ngayon ay walang pahintulot ng DOT at hindi konektado sa ahensya.
Dagdag ni Puyat, mula nang ihinto ang program ay walang pondong inilabas ang DOT.
Tiniyak naman ng kalihim na beberipikahin nila ang ulat at gagawa ng kaukulang aksyon.
Matatandaang sinuspinde ang Buhay Carinderia at iba pang program ng TPB matapos madawit sa kontrobersiya ang dati nitong pinuno na si Cesar Montano.
Sa mga naunang ulat, naglabas daw si Montano ng P80 million na budget para sa Buhay Carinderia project, na nabuking ng COA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.