Pabahay sa Rodriguez, Rizal bantay-sarado ng PNP matapos bigyan ng ultimatum ni Pang. Duterte ang Kadamay
Hindi na nagbalik pa sa pabahay sa Rodriguez, Rizal ang mga miyembro ng Kadamay na lumusob doon noong Miyerkules.
Bantay sarado ng mga armadong pulis ang La Solidaridad Homes Estate, ang housing project na inokupa ng Kadamay sa Barangay San Isidro sa nasabing bayan.
Pawang mga tauhan ng Provincial Mobile Force Company ng Rizal Provincial Police at PNP-SWAT ang mga itinalaga sa lugar.
Ayon sa National Housing Authority-Region 4-A mayroon talagang nagmamay-ari ng nasabing mga bahay kahit walang nakatira.
Ang mga sundalo kasi na may-ari ng unit ay nasa kani-kanilang field of assignment habang ang iba pa nga ay nasa Mindanao.
Ganito rin ang sitwasyon ng mga pulis na nabigyan ng bahay sa nasabing lugar ayon sa NHA.
Sa kabila nito, sinabi ng NHA na mayroong dokumento ng pagmamay-ari ang mga pulis at sundalong nabigyan ng bahay at nagbabayad sila ng karampatang bayarin sa gobyerno.
Una nang nagbigay ng ultimatum si Pangulong Duterte sa Kadamay para lisanin ang inokupahan nilang bahay at kung hindi ay pupwersahin silang paalisin doon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.