Mga pari at mananampalataya, hinimok na makiisa sa paglilibing kay Fr. Nilo
Inanyayahan ng Diocese of Cabanatuan ang kaparian at mga mananampalataya na dumalo sa funeral rites ng napatay na pari na si Fr. Richmond Nilo.
Ngayong araw na ililibing sa crypt ng St. Nicolas of Tolentine Cathedral ang mga labi ni Fr. Nilo pagkatapos ng funeral mass mamayang alas-10 ng umaga.
Sa isang memorandum circular, hinimok ni Most Rev. Sofronio Bacud ang lahat ng pari, religious communities, at Catholic school administrators na magpadala ng delegasyon para sa pagtitipon at inanyayahan ang lahat na magsuot ng black shirts.
Ayon kay Bacud, ang pagkawala ni Fr. Nilo ay hindi lamang kawalan ng kanyang mga kasamahang pari kundi ng buong Diocese of Cabanatuan.
Buong sambayanan anya ang nagluluksa ngayon dahil nawalan ang komunidad ng isang kapatid, pastol, ama at kaibigan.
Hinimok ng Obispo ang sambayanan na manalangin sa Diyos na ibigay ang agarang hustisya sa pagkamatay ng pari at mangibabaw ang kapayapaan sa bansa.
Ipinapanalangin din ang pagkilos ng Espiritu Santo na maipagpatuloy ang misyon ng bawat Katoliko-Kristiyano na walang takot na maipahayag ang Mabuting Balita at maging mga buhay na patotoo ni Hesukristo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.