Sa kasagsagan ng National Kidney Month, hinikayat ng Renal Gift Allowing Life for Others (REGALO) advocacy group ang publiko na maging organ donor para makatulong sa mga taong maysakit.
Ayon kay REGALO Organizing Committee head Dr. Romina Danguilan, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga PIlipinong mayroong end-stage renal disease (ESRD) o kidney failure bunsod ng hypertension at type 2 diabetes.
Sinabi pa ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) Deputy Director for Medical Education and Reserach na makakatulong sa ESRD patients ang pagsailalim sa dialysis o kidney transplantation.
Ayon kay Dr. Rosemarie Liquete, Executive Director ng NKTI, nananatiling “dismally low” ang bilang ng mga pasyente na napagkakalooban ng organ donors.
Mula sa bilang na 90 noong 2011, bumagsak na sa 20 ang bilang ng organ donors noong nakaraang taon.
Dagdag pa ni Dr. Enrique Ona, tatlong deceased organ donors lang ang natanggap ng NKTI sa kasalukuyang taon.
Kaya naman, hinikayat ng REGALO ang publiko na makiisa sa pag-sign ng kanilang Organ Donor Card para matugunan ang ika-pito sa karaniwang nagiging sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino. Nagparating naman ng suporta si Department of Health (DOH) Secretary Dr. Francisco Duque III sa adbokasiya ng grupo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.