Planong random locker inspection ng PNP sa mga paaralan ikinabahala ng DepEd
Aminado ang Department of Education na nakikipag-ugnayan na sila sa Philippine National Police kaugnay sa plano ng PNP na inspections sa mga lockers ng ilang mag-aaral para sa mas pinalawig na anti-drug campaign.
Sa panayam, sinabi ni DepEd Usec. Nepomuceno Malaluan na nagdadalawang-isip si Sec. Leonor Briones sa nasabing plano ng PNP.
Gusto umano nilang matiyak na mapapangalagaan ang karapatan ng mga mag-aaral sa nasabing panukala ng pambansang pulisya.
Nauna dito ay ipinanukala ni National Capital Regional Police Officer Dir. Guillermo Eleazar ang pagkakaroon ng random bag at locker inspection sa mga paaralan dahil sa hinala na nagagamit ang mga estudyante sa pagpapakalat ng iligal na droga.
Sa mga nakalipas na police operations anya ay ilang mga menor-de-edad na mga mag-aaral ang kanilang naaresto na ginagawang tulak ng droga ng ilang mga sindikato.
Sa kanilang panig, sinabi ng DepEd na gusto nila ang maayos na koordinasyon ng mga pulis sa mga paaralan bago ang anumang uri ng police operations.
Tiniyak rin ng opisyal na kaisa sila sa kampanya kontra sa iligal na droga pero kinakailangan umano ang maayos na pagtrato sa mga mahuhuling suspected drug users o pushers lalo na kung ang mga ito ay pawang mga menor-de-edad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.