Kris Aquino, binanatan si Mocha Uson: “Tama na, sobra na”
“You crossed the line!”
Ito ang matapang na pahayag ng Queen of All Media na si Kris Aquino laban kay Presidential Communications Assistant Secretary Mocha Uson kung saan kanyang binanatan ang opisyal sa umano’y pambabastos nito sa kanyang amang si dating Sen. Benigno ‘Ninoy’ Aquino.
Ibinulaslas ni Kris ang galit kay Uson matapos itong mag-upload ng video kung saan ikinukumpara ang kontrobersyal na halik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang pinay worker sa South Korea sa halik ng mga taga-suporta ng yumaong Aquino sa pagbalik nito sa bansa.
Sinabi ni Uson sa kanyang post na hindi lamang si Pangulong Duterte ang nanghalik sa babae sa publiko.
Sa kanyang Instagram post ay sinabi ni Kris na muling binuksan ni Uson ang mga sugat na nananatili sa kanya mula pa noong siya ay 12 taong gulang.
Iginiit ni Kris na ang kanyang ama ang hinalikan at hindi ang nagpumilit na gawin ito at ibang-iba umano ang konteksto ng dalawang pangyayari.
Samantala, sa isa pang bagong live video sa Facebook at Instagram, sinabi ni Aquino na tama na at sobra na ang paninira ni Uson at kung gusto umano nito ay siya na lamang ang gawing punching bag ng opisyal dahil kaya niyang sumagot at hindi niya ito uurungan.
Anya pa, kahit ulitin pa nila ang eksena sa pelikulang “4 Sisters and a Wedding” kung saan may kaladkarang naganap sangkot si Uson ay handa siyang gawin ito.
Nagpasalamat si Kris sa publiko sa suportang kanyang natanggap sa pagtatanggol sa kanyang mga magulang.
Sa ngayon ay mayroon nang 1.4 million views, 88,000 reactions, 24,000 shares at halos 50,000 comments ang video ni Kris Aquino sa Facebook.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.