Mga local DRRMC sa mga lugar na maaring maapektuhan ng parating na bagyo nagtaas ng blue alert
Itinaas na ng mga local disaster risk reduction and management councils sa CALABARZON, MIMAROPA, Ilocos Region, at mga lalawigan ng Zambales and Bataan ang blue alert status bilang paghahanda sa darating na bagyo.
Ayon kay Karla Minorka Aldea ng NDRRMC Public Affairs Office, sa isinagawang pagpupulong noong Lunes ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) Core Group sa Camp Aguinaldo, nagkaroon ng risk assessment at pagtataas sa blue alert status ang naging rekomendasyon.
Kaugnay nito, inatasan na rin ng National Council ang mga maapektuhang lokal DRRMC na magsagawa ng kaukulang paghahanda, habang ang DILG naman ay nagpalabas na ng advisories sa concerned LGU’s.
Tiniyak naman ng DSWD Ang availability ng standby funds at prepositioning ng kakailanganing Food and Non-Food Items kung saka-sakali, habang patuloy na minomonitor ng NDRRMC operations center ang developments sa darating na bagyo.
Nabatid na mayroong low pressure area na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility na kapag naging tropical depression ay papangalanang “Domeng”.
Bagama’t hindi aniya inaasahang mag-landfall ang naturang bagyo, inaasahan ng NDRRMC ang moderate to heavy rains sa western section ng Luzon, kabilang ang Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Ilocos Region, at mga lalawigan ng Zambales at Bataan simula sa Huwebes hanggang Linggo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.