School Year 2018-2019 magbubukas na ngayong araw
Opisyal nang magsisimula ngayong araw ang school year 2018-2019.
Dahil dito, tiniyak ng Department of Education (DepEd) na handa na sila sa pagbabalik-eskwela ng nasa 27.7 milyong mag-aaral sa buong bansa.
Noong nakaraang linggo ay nagsagawa ng mga programa ang DepEd kabilang ang Oplan Balik Eskwela at Brigada Eskwela bilang bahagi ng kanilang paghahanda.
Sa isang pahayag, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na handa na silang salubungin ang lahat ng mag-aaral kabilang na ang mga naapektuhan ng giyera sa Marawi.
Ani Briones, gusto nilang masiguro na magpapatuloy ang edukasyon ng mga mag-aaral sa kabila ng mga pinagdaanang kalamidad, kaguluhan at maging mga panlipuan, ekonomikal at pulitikal na mga suliranin.
Hindi anya mapipigilan ng mga problemang ito ang pagsisikap ng DepEd na maibigay ang dekalidad at para sa lahat na uri ng edukasyon.
Magtatagal ang taong panuruan 2018-2019 ng 200 araw o magtatapos sa April 5, 2019 base sa DepEd Order No. 25 series 2018 ni Briones.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.