Lima pang tauhan ng pamahalaan sisibakin sa pwesto ni Pangulong Duterte
Lima pang tauhan ng gobyerno na nakapilang masibak sa pwesto ngayong linggong ito.
Mismong si Pangulong Duterte ang nagkumpirma na may mga sisibakin pa siyang tauhan ng pamahalaan dahil sa pagkakasangkot sa katiwalian.
Isa sa mga binanggit ng pangulo ang pinuno ng ahensyang may kinalaman sa gaming makaraang abusuhin ang pagkakaloob ng prangkisa sa isang kumpanya.
Ayon sa pangulo ayaw niya sa sugal kaya sa panahon ng kaniyang termino lilimitahan niya ang pagbibigay ng gambling permits.
Binanggit ni Pangulong Duterte na ang nasabing opisyal ay nagbigay ng lease contracts sa dayuhang negosyante sa loob ng 75 taon.
Sinubukan pa aniya siyang kausapin ng nasabing opisyal ng pamahalaan pero ayon kay Duterte sinabihan niya itong aalisin na siya sa pwesto at ayaw na niya itong makatrabaho.
Kasama rin sa nakahanay sa mga sisibakin sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang opisyal ng gobyerno na lumapit sa kapatid ng pangulo para sa isang proyekto.
Ayon sa pangulo ang nasabing opisyal ay lumapit sa kaniyang kapatid na babae. Hindi naman tinukoy ng pangulo ang pangalan ng opisyal at kung ano ang hiniling nitong pabor.
Dahil dito muling binalaan ng pangulo ang mga gumagamit ng kanyang pangalan para sa kanilang sariling interes.
Mahigpit ang bilin ng pangulo na huwag tanggapin ang anumang proyekto gamit ang pangalan ng kanyang mga kamag-anak.
Una rito sinabi rin ng pangulo na pinag-aaralan na niyang sibakin sa puwesto ang pinuno ng Office of the Government Corporate Counsel.
Sa talumpati ng pangulo sa pagbubukas ng Oil and Gas Production ng Alegria Oilfield Plyard 3 well site sa Cebu, sinabi nito na ito ay dahil pa rin sa isyu ng korupsyon.
Gayunman, hindi direktang tinukoy ng pangulo ang pangalan ng corporate counsel na kanyang sisibakin ngayong araw.
Nabatid na itinalaga ni Duterte si Rudolf Philip Jurado bilang government corporate counsel noong Abril ng nakaraang taon.
Maliban dito, sinabi ng pangulo na isa pa niyang ka-brod sa Lex Talliones Fraternity ng San Beda ang kanyang pinagbibitiw na rin sa puwesto.
Ayon sa pangulo, hindi siya mag-aatubili na sibakin sa puwesto ang mga opisyal na sangkot sa korupsyon kahit pa malapit niyang kaibigan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.