Dalawa pang opisyal, sisibakin ni Pangulong Duterte
Dalawa pang miyembro ng gabinete ang sisibakin sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang ibinunyag ng pangulo sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng Philippine National Games 2018 sa Cebu Sports Center.
Ayon sa pangulo, punong-puno na siya sa dalawang opisyal na ito na kanyang iniluklok sa pwesto ngunit mga scalawags pala.
Hindi binanggit ni Duterte ang pangalan ng mga sisibakin sa pwesto ngunit iginiit nitong ginagamit ng dalawang opisyal ang kanyang pangalan, maging ang pangalan ng kanyang kinakasamang si Honeylet Avanceña, kanyang mga anak at pinsan para lamang makapagsolicit ng pera.
Sinabi ng presidente na hindi dapat ginagawang gatasan ng pera ang gobyerno at tanging ang mga gumagawa lamang ng mabuti ang dapat na mailagay dito.
Anya pa, kapag ginamit ang kanyang pangalan ay huwag nang makipag-usap pa sa kanya.
Samantala, matatandaang sa isang press briefing noong May 15, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pinayuhan ni Duterte sina Justice Assistant Secretary Moslemen Macarambon Sr. at Public Works and Highways Assistant Secretary Tingagun Umpa na magbitiw na sa pwesto o hindi kaya ay tatanggalin ang mga ito sa pwesto.
Sinabi ni Roque na nagpapadrino si Macarambon sa kanyang mga in-laws upang magpapasok ng milyun-milyong halaga ng mga alahas sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Habang si Umpa naman ayon kay Roque ay ay may reklamong kinakaharap dahil sa pamomorsyento umano sa mga contractor sa ilang proyekto sa ARMM.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.