Nakahanda na si Senate President Koko Pimentel na bakantehin ang kanyang pwesto bilang pinuno ng Senado.
Bilang patunay ay sinabi ni Pimentel na magsasagawa ng caucus sa Lunes ang grupo ng mayorya sa Senado para pag-usapan ang pagpapalit ng liderato.
Nauna dito ay lumagda sa isang resolusyon ang labingapat na miyembro ng majority bloc na humihiling na bumaba sa pwesto si Pimentel.
Nakasaad sa nasabing resolusyon na gusto ng majority bloc sa Senado na umupo bilang Senate President si Sen. Tito Sotto.
Nauna na ring umugong ang mga report na si Sen. migz Zubiri ang papalit sa iiwang pwesto ni Sotto bilang majority leader.
Sakaling matuloy ang pagpapalit ng liderato sa Lunes, sinabi ni Pimentel na hindi masama ang kanyang loob dahil kahit noong siya ay mag-assume pa lamang sa posisyon bilang pinuno ng Senado ay kanya na umanong sinabi na hindi siya magiging kapit-tuko dito.
Nakahanda umano si Pimentel na tumutok sa kanyang adbokasiya kabilang na ang pagpapaliwanag sa publiko ng federalism.
Ngayong taon rin umano ay nakatakda na niyang pakasalan ang kanyang kasintahan na si Katryn Yu.
Si Pimentel ay mayroong dalawang anak na lalaki sa kanyang dating misis na si Jewel Lobaton.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.