Sulpicio Lines, pinagbabayad ng P241-M sa trahedya ng MV Princess of the Stars
Pinagbabayad ng korte ang Sulpicio Lines Inc. ng P241 milyon para sa mga pamilyang naiwan ng mga biktima ng trahedya sa MV Princess of the Stars noong 2008.
Makalipas ang pitong taon, ibinaba ni Judge Daniel Villanueva ng Manila Regional Trial Court-Branch 49 noong September 18 ang desisyon na pumapanig sa mga pamilyang biktima ang na nagsampa ng demanda laban sa Sulpicio Lines Inc. na may-ari ng MV Princess of the Stars.
Ayon kay Public Attorney’s Office chief Persida Acosta, makakatanggap ang 71 claimants ng kabuuan na P241,761,256 para sa actual, moral at exemplary damages na idinulot ng trahedya.
Napaluha dahil sa kaligayahan ang mga pamilya matapos malaman ang desisyon ng korte, dahil ayon kay Levy Samuele na pinuno ng MV Princess of the Stars Victims, matapos ang lahat ng pighati at paghihintay ay nakamit na nila ang hustisya.
Ang mga nakasuhan ay ang mga opisyal ng Sulpicio, na ngayon ay kilala na bilang Philippine Span Asia Carrier Corp., ay sina Enrique S. Go, Eusebio Go, Carlos Go, Victoriano S. Go, Dominador Go, Ricardo Go, Edward Go, Edgar Go, at Capt. Florencio Marimon.
Samantala ayon din kay Acosta, mayroon pang 64 claimants ang hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin ang mga isinampang damage suit sa Cebu City Regional Trial Court Branch 16 sa ilalim ni Judge Sylvia Paderranga.
Dagdag pa ni Acosta, bagaman nahirapan silang ilaban ito sa korte, nagawa pa rin nila itong maipanalo.
Mahigit sa 800 na buhay ang nasawi sa paglubog ng MV Princess of the Stars na nangyari noong June 21, 2008 sa kasagsagan ng Bagyong Frank sa may Sibuyan Island, Romblon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.