Eleksyon sa isang liblib na barangay sa Northern Samar, Martes ng umaga na naumpisahan
Martes na ng umaga nang maumpisahan ang eleksyon sa isang liblib na barangay sa Northern Samar.
Ito ay makaraang mabigo ang mga miyembro ng board of election tellers (BET) na makarating sa barangay noong Lunes dahil hinarang umano sila ng ilang indibidwal.
Tinatayang nasa 300 ang registered voters sa Barangay Deit de Turag sa bayan ng Silvino Lobos at inumpisahan ang botohan alas 7:00 ng umaga ng Martes ayon kay Atty. Jose Nick Mendros, direktor ng Commission on Elections sa Eastern Visayas.
Ang naturang barangay ay isa lamang sa mga naitala bilang areas of concern sa Silvino Lobos.
Sa inisyal na ulat na ipinarating sa Comelec Eastern Visayas, patungo na sa barangay ang mga miyembro ng BET Lunes ng umaga nang mayroong humarang sa kanila at pinwersa silang mag-iba ng ruta dahilan para maglakad sila ng limang kilometro ang layo.
Narating nila ang Barangay Deit de Turag pasado alas 8:00 na ng gabi.
Maliban dito wala pang ibang detalyeng nakuha si Mendros dahil sa mahirap ang signal sa lugar.
Inaasahang ngayong araw din ay maipoproklama ang mga mananalong opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan sa Deit de Turag.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.