Bishop Oliveros ng Diocese of Malolos, pumanaw na sa edad na 71
Matapos ang ilang taong pakikipaglaban sa cancer ay pumanaw na si Malolos Bishop Jose Oliveros sa edad na 71.
Ang pagpanaw ni Bishop Oliveros ay inanunsyo ng Commission on Social Communications ng Diocese of Malolos Biyernes ng umaga.
Ayon kay Fr. Nick Lalog, tagapagsalita ng diyosesis, natagpuang walang malay ang obispo sa kanyang kwarto bandang alas-8 ng umaga.
Agad itong isinugod sa Mary Immaculate Hospital ngunit idineklara ring patay matapos ang halos isang oras o ganap na alas-9:12.
Sa pahayag ng diyosesis, hinimok nito ang mga miyembro ng kaparian, relihiyoso at mga mananampalataya sa diyosesis na ipagdasal ang kaluluwa ng obispo.
Huling namataan ng publiko si Oliveros sa ordinasyon ng vicar general ng Malolos na si Msgr. Bartolome Santos Jr. bilang obispo ng Diocese of Iba noong April 30.
Ibuburol ang mga labi ng obispo sa Minor Basilica of the Immaculate Conception o mas kilala bilang Malolos Cathedral.
Ihihimlay ang kanyang mga labi sa crypt ng main altar ng Katedral matapos ang funeral mass sa May 17, Huwebes, sa ganap na alas-9 ng umaga.
Naging pastol si Oliveros ng Malolos sa loob ng 14 na taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.