Mga senador, nalabnawan sa desisyon sa Quo Warranto petition laban kay Sereno

By Jan Escosio May 11, 2018 - 08:09 PM

Inquirer Photo | Grig Montegrande

Nagpahiwatig si Senate President Koko Pimentel na tila natapakan ang kapangyarihan ng Senado na magsagawa ng impeachment trial sa naging desisyon ng Korte Suprema sa Quo Warranto petition laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Aniya sa naging desisyon nakasalalay ang posibleng pagbagsak o pag-angat pa ng integridad ng kataas-taasang hukuman ng bansa.

Giit nito dapat bigyan pagkakataon ang taumbayan na mapag-aralan ang desisyon at nararapat din na suriin mabuti ng mga mahistrado ang kanilang naging desisyon.

Halos ganito rin ang posisyon ni Sen. JV Ejercito at aniya malinaw na nabalewala ang Saligang Batas kung saan nakasaad na ang pag-impeach sa isang opisyal ay trabaho ng Kongreso.

Kasabay nito ang kanyang apela sa taumbayan na manatiling kalmado.

Mabigat naman na mga salita ang binitawan ni Sen. Ping Lacson sa sinabi niyang ang ‘biggest winners’ sa desisyon ay ang mga abogadong pulpol na handa sanang magkalat ng katangahan sa impeachment trial na hindi na mangyayari dahil malamang hindi na ipadala ng House ang Articles of Impeachment sa Senado.

Samantala, sinabi ni Sen Bam Aquino na sa nangyari ay natalo muli ang taumbayan.

Giit niya naninindigan siya na ang pagpapa-alis sa isang impeachable official ay trabaho ng Kamara at Senado.

Ibinahagi naman ni Sen. Sonny Angara na sa nangyaring boto na 8-6 ay ipinapakita na hati talaga ang opinyon ng mga mahistrado sa Quo Warranto petition kayat dapat lang na muli itong masuri.

Sinabi naman ni Senate Majority Leader Tito Sotto ang Korte Suprema ang final interpreter ng batas kayat hindi dapat mangibabaw ang anuman opinyon sa desisyon ng mga mahistrado.

Ayon naman kay Sen. Win Gatchalian dahil inaasahan na iaapela ni Sereno ang desisyon maganda kung pag-aaralan ng mga mahistrado ang mosyon at dasal niya na mapagtanto ng mga ito na pinanghimasukan nila ang trabaho ng Kongreso.

Isinalarawan naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na ‘bad precedent’ ang desisyon.

Binawasan nito aniya ang trabaho ng Kongreso.

Excerpt:

TAGS: JV Ejercito, Koko Pimentel, Maria Lourdes Sereno, JV Ejercito, Koko Pimentel, Maria Lourdes Sereno

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.