MNLF at MILF, magkakaisa para maipasa ang BBL
Nagdeklara ng pagkakaisa ang mga pinuno ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) para maipasa ang panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Sa isang pagpupulong sa Camp Darapanan sa Maguindanao, naglabas ng joint statement sina MILF chair Murad Ebrahim at Council of 15 of the MNLF Council of 15 Chairman Muslimin Sema na naglalaman ng kanilang paninindigang magkaisa sa pagtutol na maisabatas ang umano’y diluted version ng BBL.
Anila, hindi ito katanggap-tanggap dahil ang nasabing bersyon ng BBL ay taliwas na sa implementasyon ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) and the 1996 Government of the Philippines-MNLF Final Peace Agreement (FPA).
Ayon kay Sema, ang kanilang pagkakaisa umano ay nangangahulugan lamang ng pagkakaroon ng parehong mithiin ng dalawang grupo at ito ay manindigan sa ikabubuti ng mga mamamayan ng Bangsamoro at Mindanao.
Dagdag naman ni Murad, mas pinagtibay ng nasabing pulong ang kooperasyon ng dalawang panig para sa buong implementasyon ng 2014 CAB at 1996 FPA.
Iginigiit nila sa kanilang pahayag na marapat lamang na tuluyan nang maipatupad ang 2014 CAB at 1995 Government of the Philippines-MNLF (FPA) oras na maisabatas ang orihinal na bersyon ng BBL.
Sa tatlong paksyon ng MNLF, ang pinamumunuan ni Sema ang sinasabing pinakamalaki at pinaka-aktibo sa pulitika.
Samantala pinamumunuan naman nina Nur Misuari at Habib Hashim Mudjahab ang dalawang iba pang paksyon ng MNLF.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.