Estados Unidos nagbackout sa Iran nuclear deal
Personal na inanunsyo ni United States (US) President Donald Trump na uurong ito mula sa Iran nuclear deal.
Sa isang talumpati, tinawag ni Trump na ‘disastrous’ at isang ’embarrassment’ para sa Estados Unidos ang Joint Comprehensive Plan of Action (JCPOA) na binubuo ng mga bansang kasapi sa United Nations Security Council, European Union, at Iran.
Sa ilalim ng naturang kasunduan, pumayag ang bansang Iran na alisin na ang kanilang stockpile ng uranium na gamit sa pagbuo ng nuclear weapons.
Ayon pa kay Trump, muli silang magpapataw ng sanctions laban sa Iran.
Bagaman suportado ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang naging desisyon ni Trump, nagpahayag naman ng panghihinayang ang mga bansang France, Germany, at Britain sa naturang anunsyo ng US.
Samantala, sinabi naman ni Iranian President Hassan Rouhani na inutusan na niya ang kanilang foreign minister na makipag-usap sa iba pang mga bansang kasapi sa naturang kasunduan para sa pagpapatuloy nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.