Kampo ni Sereno nilinaw ang paghahakot ng 6 na balikbayan box mula sa tanggapan ng Chief Justice
Anim na malalaking balikbayan box ang inilabas mula sa Office of the Chief Justice kaninang umaga.
Ayon sa source, hindi umano naharang ng security ang mga inilalabas na balikbayan box, pero pumagitna ang ilang mataas na opisyal na Korte Suprema at iginiit na sumailalim sa inspeksyon ang lahat ng mga kahon na ilalabas mula sa tanggapan ni Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno.
May nagmungkahi pa nga na gawin na lamang ang inspeksyon sa loob ng Tanggapan ni Sereno para paglabas ng opisina ay hindi na ito haharangin pa.
Dagdag pa ng source, may mga dokumento na rin mula sa Office of the Chief Justice na isinailalim sa shredding o giniling.
Sa Mayo a-onse o o eksakto isang linggo mula ngayon inaasahang pagbobotohan ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang quo warranto petition laban kay Sereno.
Samantala, agad namang naglabas ng statement ang isa sa mga abugado ni Sereno.
Ayon kay Atty. Jojo Lacanilao, isa sa mga tagapagsalita ni Sereno, ang mga kahon na inilabas ay pag-aari ng isa sa mga staff ng punong mahistrado na si Atty. Michael Ocampo na isa sa mga sinampahan ng reklamo ni Atty. Larry Gadon.
Sinabi ni Gadon na naglalaman ang mga kahon ng mga dokumento na gagamitin ni Ocampo sa pagdepensa sa kanyang kaso.
Isa si Ocampo sa mga respondent sa reklamong katiwalian na inihain ni Gadon sa Department of Justice laban sa mga staff ni Sereno na nag-ugat sa maanomalyang pagkuha ng information technology consultant ng Korte Suprema sa katauhan ni Helen Macasaet na hindi idinaan sa public bidding.
Nito lamang Miyerkules, nagdaos sa DOJ ng preliminary investigation kung saan isa si Ocampo sa mga nagsumite ng counter affidavit.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.