Mga nawalan ng trabaho sa Boracay maaaring mag-apply ng SSS emergency loan
Inanunsyo ng Social Security System (SSS) na maaari nang mag-apply ng emergency loan ang higit sa 11,000 manggagawa na kabilang sa mga nawalan ng kabuhayan dahil sa pansamantalang pagsasara ng isla ng Boracay, na nag-umpisa noong Abril 26.
Sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel Dooc na tungkulin ng SSS na magbigay ng proteksyon sa mga miyembro nito sa panahon ng pangangailangan katulad na lamang nang pansamantalang pagsasara ng Boracay island sa Aklan na makaaapekto sa halos 11,161 miyembro ng SSS.
Naglaan ang SSS ng halos P111.61 milyon para sa Emergency Loan Assistance Program.
Ang mga potensiyal na borrowers ay maaaring makautang mula sa P1,000 hanggang P16,000 o katumbas ng kanilang isang buwang monthly salary credit (MSC).
Upang maging kwalipikado sa emergency loan, ang miyembro ay dapat na mayroong 36 buwang kontribusyon sa SSS, kung saan ang anim na buwan ay dapat nai-post sa loob ng huling 12 buwan bago ang pagpasa ng aplikasyon; dapat na naninirahan o nagtatrabaho sa Boracay Island bago pa ito magsara; kinakailangan na hindi hihigit sa 65 taong gulang sa panahon na ipinasa ang loan application; hindi pa nakakakuha ng pinal na benepisyo; dapat na walang kasalukuyang Loan Restructuring Program (LRP) at Calamity Loan Assistance Program (CLAP) at hindi pa nakasuhan ng pandaraya sa SSS.
Ayon sa SSS, ang utang ay maaaring bayaran sa loob ng 32 buwan, kasama na ang walong buwang moratorium period. Magsisimulang bayaran ng miyembro ang kaniyang buwanang amortisasyon sa ika-siyam na buwan na may 24 monthly installments.
Ani Looc, tinanggal din ang service fee na isang porsyento ng loan amount para makuha nila ng buo ang kanilang inutang.
Kapag naaprubahan na ang loan application, maaaring kunin ng miyembro ang tseke sa loob ng 10 araw sa SSS branch office kung saan ipinasa ang aplikasyon. Kung hindi makuha sa ibinigay na panahon, ang tseke ay ipapadala na sa address ng miyembro na inilagay sa form sa pamamagitan ng koreo.
Ang aplikasyon para sa ELAP ay mula Mayo 2, 2018 hanggang Oktubre 31, 2018.
Maaaring ipasa ng miyembro ang kaniyang ELAP application form na maaaring i-download mula sa SSS Web site sa SSS Service Office sa 2/F Baranggay Hall sa Manoc-Manoc, Aklan o sa SSS booth sa One-Stop Shop ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa Caticlan Jetty Port sa Malay, Aklan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.