Muling nangako ang China na hindi gagalawin ang Scarborough Shoal.
Pangako ito ng China sa gitna ng ulat na isusunod na ang Scarborough Shoal para sa kanilang militarisasyon.
Sa talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Cebu kahapon, sinabi nito na nagkaroon siya ng panibagong pag-uusap sa mga opisyal ng China may tatlong linggo na ang nakaraan.
Gayunman, hindi tinukoy ng pangulo kung sinong mga Chinese officials ang kanyang nakausap.
Sa naturang pag-uusap, sinabi ng pangulo na mahigpit ang pangako ng China na hindi gagalawin ang Scarbourgh na kilala rin sa tawag na Panatag Shoal.
Samantala, kinumpirma ng pangulo na magtutungo siya sa Benham Rise sa mga susunod na araw.
Ipinaliwanag ni Duterte na kailangan niyang bigyang pagpupugay ang kanyang nilagdaang executive order number 25 noong May 16, 2017 na nagdedeklarang baguhin na ang pangalan ng Benham Rise patungo sa Philippine Rise.
Mahalaga anyang bigyan ng pagpapahalaga ang unang anibersaryo ng Philippine Rise para na rin sa bayan.
Matatandaang noong panahon ng kampanya, nangako ang pangulo na sasakay siya ng jetski para maglagay ng watawat ng Pilipinas sa Scarbourgh Shoal na inaangkin rin ng China.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.