Mga bagong passport appointment slots bubuksan ngayong araw ng DFA
Magbubukas ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng passport appointment slots ngayong araw, May 2, para sa buwan ng Hulyo hanggang Sityembre.
Ang publiko ay pwedeng mag-book ng appointment para sa aplikasyon ng bagong pasaporte o para sa renewal ng expired passport sa anumang consular office sa buong bansa liban sa DFA Aseana sa Parañaque City na kasalukuyang may testing ng bagong e-payment system.
Oras na maisapinal ang sistema, ang e-payment ay ipapatupad hindi lang sa DFA Aseana kundi sa buong consular offices sa buong bansa.
Sa ilalim ng e-payment system, pwedeng magbayad ng passport fees sa internet o sa pamamagitan ng payment centers at makaiwas sa mahabang pila sa consular offices.
Ayon sa DFA, tumaas ng 95% ang show up rate o ang bilang ng mga taong pumupunta para sa kanilang appointment dahil sa e-payment system.
Nakabawas ito sa bilang ng nasasayang na mga slots dahil sa non-appearance gayundin ang oras ng pagproseso sa pasaporte ay nabawasan.
Iginiit ng DFA ang unang anunsyo na hindi kailangang kumuha ng online passport appointment ang mga overseas Filipino workers (OFWs), senior citizen, persons with disability, solo parent, menor de edad na pitong taong gulang pababa, at iyong may mga emergency at urgent travels.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.