Kinilala ng ilang mga senador ang kahalagahan ng mga manggagawa sa isang bansa, kasabay ng paggunita sa Araw ng Paggawa.
Sinabi ni Senador Kiko Pangilinan na ang lahat ng mga benepisyo na tinatamasa ngayon ng mga manggagawa ay bunga ng kanilang sariling pakikipaglaban kaya’t aniya, nararapat lamang na bigyan sila ng security of tenure, lalo na ang mga kawani ng gobyerno.
Aniya, mahalaga na maipasa na ang inihain niyang Senate Bill No. 59 na layong bigyan ng civil service eligibility ang lahat ng mga kawani ng gobyerno na tuloy-tuloy na naging casual o contractual sa loob ng limang taon.
Sinabi naman ni Senador Dick Gordon na maganda kung magagawa natin na mapanatili na lang dito sa bansa ang ating mga mangaggawa sa pamamagitan ng paglikha ng mas maraming trabaho.
Aniya dapat mahikayat ng gobyerno ang lahat na ang kanilang kinabukasan ay nasa Pilipinas at hindi na nila kailangang mawalay pa sa kanilang mga pamilya para mabigyan sila ng magandang kinabukasan.
Ayon naman kay Senadora Nancy Binay, hinihikayat nito ang lahat na magkaisa para sa mga mangggawa, na sila ay mabigyan ng proteksyon laban sa diskriminasyon at pananakot sa trabaho, tamang pasahod at mga benepisyo, at maginhawang buhay.
Samantala, iginiit ni Senadora Leila de Lima na ang lahat ng mga pagdududa sa labor laws ay dapat maresolba pabor sa mga manggagawa.
Sinabi nito na maraming butas sa mga batas ukol sa paggawa at ang mga ito ang ginagamit laban sa mga trabahador.
Kaya’t aniya gaano man ka-komplikado ang pagwawakas sa kontraktuwalisasyon, sa dakong huli ang dapat pa rin lubos na makikinabang ay ang mga mangagawa.
Bukod pa aniya sa endo, dapat maging maliaw ang fixed-term employment, labor only contracting at manpower o job contracting.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.