Barangay Chairman sa Meycauayan City nahulihan ng shabu
Timbog ang isang Barangay Chairman na kakandidato para sa reelection sa drug buy bust operation sa Meycauayan City, Bulacan.
Inaresto ang Chairman ng Barangay Malhacan na si Delfin San Pablo at mga tanod na sina Ferdinand Llaosa at Jimmy Garcia.
Ayon sa ulat ng Police Regional Office 3, nakumpiska sa kanila ang 14.9 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P66,000, isang baril na walang lisensiya at drug paraphernalia.
Sinampahan na ng kaso ng droga at paglabag sa election law ang tatlong opisyal.
Nabatid naman na hindi kasama ang pangalan ni San Pablo sa 207 opisyal ng Barangay sa narco list na isinapubliko ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Pero kamakailan ay sumuko na rin ang nasabing opisyal kaugnay sa ipinatupad na Oplan Tokhang sa lungsod.
Sa panayam, sinabi ng hepe ng Meycauayan City PNP na mismong sa kanyang bahay o kaya naman ay sa Barangay Hall nagtutulak ng droga ang mga suspek.
Sinabi naman ni San Pablo na malinaw na pulitika ang nasa likod ng pag-aresto sa kanya kasabay ng pahayag na hindi siya gumagamit o nagbebenta ng iligal na droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.