Nanawagan ang koalisyon ng iba’t ibang enviromental groups sa mga kandidato na magsagawa ng ‘green campaign’ para sa halalan sa susunod na taon.
Kasabay ng simula nang paghahain ng Certificate of Candidacy para sa eleksyon sa susunod na taon ay may apila ang Ecowaste Coalition sa Comelec na bukod sa pagbibigay proteksyon sa balota ay protektahan din ang kapaligiran.
Hiniling ng koalisyon sa Comelec na ipalabas muli at mahigpit na ipatupad ang kanilang Resolution Number 9615 na humihimok sa mga partido at kandidato na gumamit ng mga recyclable at enviroment-friendly materials sa kanilang mga campaign paraphernalias.
Kasunod nito ang panawagan din na iwasan ang mga campaign materials na nagtataglay ng mga chemicals.
Ayon pa sa koalisyon makakabuti rin kung ipapatupad ang memorandum circular ukol sa “basura free” elections na inilabas katuwang ang Departments of Environment and Natural Resources at Interior and Local Government.
Dito ay hinihimok ang mga partido at kandidato na bawasan ang mga basura na nagmumula sa kanilang pangangampaniya mula sa mismong araw ng eleksyon hanggang sa huling araw na matapos ang bilangan.
Sinabi pa ni Ecowaste’s zero waste campaigner Tin Vergara na dapat ay pumirma sa Memorandum of Agreement ang mga partido at kandidato na nag-oobliga sa kanila na magsagawa ng lawful and enviromentally-friendly campaign practices kasama pati ang mandatory post-campaign clean up.
Dapat din aniya maisama sa public information drive ng Comelec para sa malinis, maayos, mapayapa, tapat at pantay na eleksyon ang responsibilidad ng mga kandidato sa kapaligiran.
Idinagdag pa ni Vergara na dapat na malimitahan ang campaign motorcades, kung hindi man ito maipagbabawal, para maibsan ang matinding traffic, air pollution at climate change lalo na sa mga urban areas kasama na ang Metro Manila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.