Spiral pole dancer wagi sa Pilipinas Got Talent 6
Itinanghal na kampeon ng ikaanim na edisyon ng Pilipinas Got Talent ang spiral pole dancer na si Kristel De Catalina.
Naganap ang grand finals ng talent-reality competition sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga kagabi.
Nakuha ni De Catalina ang 99.67 na percentage ng pinagsamang boto mula sa mga manonood at judges.
Sa kanyang grand finals performance ay sinayaw niya ang kanyang spiral pole dance routine sa saliw ng awitin ni Celine Dion na “All by Myself”.
Dahil sa panalo ay nasungkit niya ang 2 milyong pisong premyo.
Sa auditions pa lamang ng kompetisyon ay pinahanga na ni De Catalina ang mga hurado dahilan para makatanggap siya ng ‘golden buzzer’ at dumiretso sa semifinals.
Nagpasalamat si De Catalina sa lahat ng bumoto at nagtiwala sa kanya at sinabing ang kanyang panalo ay para sa kanyang anak.
Samantala, itinanghal namang 1st at 2nd placer ang dance duo na sina Julius at Rhea at ang komedyanteng si Joven Olvido.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.