Malakanyang ayaw munang mag-komento sa inihaing diplomatic protest ng Kuwait laban sa ambassador ng Pilipinas
Hihintayin muna ng Palasyo ng Malacañang ang kumpletong report ng Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa ginawang pagrescue ng mga embassy officials sa mga distressed OFWs sa Kuwait.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mahalagang malaman ang tunay na detalye sa pangyayari sa ginawang pagligtas ng mga embassy officials sa mga OFWs bago sagutin ang diplomatic protest na inihain ng Kuwaiti
Government laban kay Philippine Ambassador to Kuwait Rene Villa.
Ayon kay Roque bagama’t si Pangulong Duterte ang nananagot sa pangkalahatang foreign policy, ang pang araw-araw na pagpapatupad ng foreign policy ay nasa kamay ng DFA.
Dahil sa ginawang rescue ng mga embassy officials sa mga OFWs minasama ito ng Kuwaiti Government kaya naghain sila ng diplomatic protest.
Batay sa report ginawa ng mga embassy officials ang rescue dahil noong Linggo ay napaso na ang amnesty na ibinigay ng Kuwaiti Government sa mga undocumented na OFWs.
Umaasa naman si Roque na hindi makakaapekto sa binabalangkas na Memorandum of agreement sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait ang insidente ng rescue operation.
Kaugnay nito hindi pa alam ni Roque kung matutuloy ang planong pagbisita ni Pangulong Duterte sa bansang Kuwait.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.