Mas mainit pang panahon mararanasan ngayong linggo ayon sa PAGASA
Kasunod ng matataas na heat index na naitala kahapon sa 14 na lalawigan sa bansa, sinabi ng PAGASA na sa mga susunod na araw, mas matinding init ng panahon pa ang mararanasan.
Ayon kay PAGASA weather specialist Gener Quitlong, papasok pa lang kasi ang bansa sa ‘peak’ ng summer season.
Ngayong linggong ito, sinabi ni Quitlong na posibleng makapagtala ng heat index na aabot hanggang sa 49 degrees Celsius.
Kahapon, nakaranas ng matinding init ng panahon ang ilang lugar sa bansa kung saan naitala ang pinakamataas na temperatura sa Sangley Point, Cavite City na may 47.7 degrees Celsius.
Mataas na heat index din ang naitala sa San Jose City, Occidental Mindoro; Dagupan City, Pangasinan; Cuyo, Palawan; Surigao City, Surigao Del Norte; Casiguran, Aurora; Daet, Camarines Norte; Aparri, Cagayan; Cabanatuan, Nueva Eecjia; Laoag City, Ilocos Norte; Cotabato City, Maguindanao; Tuguegarao City, Cagayan; at Zamboanga City, Zamboanga del Sur.
Samantala sa weather forecast ng PAGASA ngayong araw, Ridge of High Pressure Area (HPA) ang nakaaapekto sa Northern Luzon habang Easterlies naman sa nalalabi pang bahagi ng bansa.
Magdudulot ito ng maaliwalas pero maalinsangang panahon sa buong bansa at mararanasan lamang ang isolated na pag-ulan sa hapon o gabi dahil sa Localized thunderstorms.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.