Asawa ni Rep. Abigail Binay, tatakbong mambabatas
Tatakbo bilang kinatawan ng unang distrito sa Lungsod ng Makati ang asawa ni Congresswoman Abigail Binay na si Luis Campos sa susunod na taon.
Ito ang kinumpirma ni Binay at sinabing hindi na siya tatakbo sa kahit anong posisyon sa susunod na halalan.
Ayon kay Binay, noon pang 2012 nagdesisyon ang kanyang asawa ng pagtakbo sa 2016 elections.
Si Campos na isang businessman ay kabilang sa prominenteng pamilya na Nakpil at nakilala ni Binay sa Ateneo Law School noong 1998.
Samantala, nilinaw ni Binay ang mga balita na tatakbo siyang alkalde ng Makati kapalit ng kanyang kapatid na si Junjun Binay na kamakailan ay pinatanggal ng Ombudsman sa kaniyang posisyon bilang alkalde ng Lungsod dahil sa grave misconduct at serious dishonesty sa kaso na may kaugnayan sa umano ay overpricing sa konstruksyon ng Makati City Hall building II.
Giit ng Kongresista, malinaw na iligal ang dismissal order ng Ombudsman laban sa kanyang kapatid.
Kinumpirma din ni Binay na maghahain ang nakababatang Binay ng kanyang certificate of candidacy ano mang araw simula bukas.
Nasa pangalawa nang termino bilang mayor ng Makati si Junjun Binay ngunit kasama sa dismissal order ng Ombudsman na tanggalin na siya sa kanyang posisyon.
Ayon pa sa Kongresista, tatakbo lamang siya kung tuluyan na ididiskwalipika si Junjun Binay na tumakbo para sa kanyang ikatlo at huling termino bilang alkalde ng Makati.
Maaari naman maghain ng motion for reconsideration si Mayor Binay o iapela ang utos ng Ombudsman sa Court of Appeals at sa Korte Suprema.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.