Sara Duterte, Bato Dela Rosa, Erwin Tulfo, pasok sa top 12 ng senatorial preference survey ng Pulse Asia
Pasok sa top 12 ng senatorial preferences sina Davao City Mayor Sara Duterte, dating PNP Chief Ronald “Bato” Dela Rosa, at broadcaster na si Erwin Tulfo kasama ang iba pang mga incumbent at dating mga mambabatas.
Ito ay batay sa survey na isinagawa ng Pulse Asia noong March 23 hanggang 28, 2018 gamit ang face-to-face interviews at mayroong 1,200 adult respondents.
Sa nasabing survey, 58 pangalan ang inilatag sa mga respondents na kanilang pinagpilian sa kung sino ang kanilang ibobotong senador kung ang eleksyon ay magaganap na.
Nanguna sa nasabing survey si Senator Grace Poe na nakakuha ng 70.8 percent, pangalawa si Senator Cynthia Villar – 55.6 percent, sinundan ni Taguig City Rep. Pia Cayetano – 53.8 percent, ikaapat si Senator Nancy Binay – 45.8 percent, Senator Edgardo Angara, Jr. – 44.9 percent, pang-anim si Davao City Mayor Sara Duterte Carpio – 43.8 percent, Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III – 39.8 percent, dating Senator Sergio Osmeña – 38 percent, nasa pangsiyam na pwesto si Erwin Tulfo – 36.7 percent, dating Senator Lito Lapid – 33.8 percent, pang labingisa si dating PNP Chief dela Rosa – 33.1 percent at nasa number 12 si dating Senator Jinggoy Estrada – 32.8 percent.
Sumunod naman sa pang 13 hanggang pang 15 pwesto sina Ilocos Norte Governor Imee Marcos, Senator Paolo Benigno “Bam” Aquino at Senator JV Ejercito.
Ang iba pang personalidad na pumasok sa survey ng Pulse Asia pero hindi umabot sa top 15 ay sina Robin Padilla, Ted Failon at Dingdong Dantes. Gayundin sina Quezon City Mayor Herbert Bautista, Mar Roxas, Teofisto “TG” Guingona, Rex Gatchalian, Francis Tolentino, Isko Moreno, Karlo Nograles at Lucy Torres-Gomez.
Nasa listahan din si Special Assistant to the President Bong Go pero nakakuha lang ito ng 5.9 percent at si Communications Assistant Secretary Margaux “Mocha” Uson na nakakula lang ng 1.3 percent.
Sa ginawang survey, tinanong ang mga respondent kung sino-sino sa mga nakalistang personalidad ang kanilang iboboto kung gagawin na ang 2019 senatorial elections.
Pinapili sila ng 12 pangalan mula sa maga nakalista.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.