Vice-Presidential bid ni Marcos inindorso ni Erap

By Den Macaranas October 10, 2015 - 05:19 PM

marcos-11
Inquirer phto

Personal na inindorso ni dating pangulo at ngayo’s Manila Mayor Joseph Estrada ang Vice-Presidential bid ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa harap ng kanyang mga taga-suporta, sinabi ni Estrada na sa hanay ng mga tumatakbo sa nasabing puwesto ay tanging si Marcos lamang ang maituturing na “statesman”.

Ayon kay Estrada, “hindi matatawaran ang dalawang dekadang paglilingkod ni Marcos mula sa kanyang pagiging lokal na opisyal sa Ilocos Norte hanggang sa kanyang mga mahuhusay na panukala bilang isang mambabatas”.

Ikinumpara rin ni Estrada ang mambabatas sa kanyang mga magulang na sina dating Pangulong Ferdinand Marcos at dating First Lady Imelda Marcos na walang sawang tumutulong sa mga mahihirap lalo na sa mga residente ng San Juan at Maynila.

Sa gitna ng mainit na panahon ay dumagsa ang mga taga-suporta ni Marcos sa Real Gardens na matatagpuan sa Gen. Antonio Luna st. sa Intramuros Maynila.

Star-studded din ang nasabing event na nilahukan ng mga artista at mga pulitiko mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Tulad ng inaasahan, todo-pwersa ang hanay ng mga pulitiko mula sa Norte na tinatawag na “Solid North” na pawang mga naka-suot ng kulay pulang damit na siyang simbulo ng Pamilya Marcos.

Present din sa event sina dating First Lady Marcos, Sen. Juan Ponce Enrile at mga kaanak mula Ilocos Norte at eastern Visayas Region.

Samantala, pormal nang inanunsiyo ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos ang kanyang kandidatura bilang Pangalawang Pangulo sa 2016.

Personal na pinili ni Marcos ang Gen. Antonio Luna st. sa Intramuros sa Maynila para sa ihayag ang kanyang Vice-Presidential bid bilang pagbibigay pugay sa ating Ilokanong Bayani na si Heneral Luna.

Sa simula pa lamang ng kanyang talumpati ay inisa-isa na niya ang mga umano’y kapalpakan ng kasalukuyang administrasyon.

Sinabi ni Marcos na nakapagtatakang walang ginawa ang pamahalaan para sugpuin ang problema ng droga sa bansa kung saan ay 93-percent ng mga Baranggay ay napasok na ng nasabing problema.

Tinawag din ni Marcos na mga “walang alam” ang mga namamahala sa MRT, PNR at iba pang uri ng public transport dahil sa patuloy na paghihirap ng mga pasahero sa araw-araw na byahe dito sa Metro Manila.

Ipinaliwanag din ni Marcos na sayang lamang ang ibinabayad na buwis ng sambayanan dahil napupunta lamang ito sa bulsa ng iilan dahil sa lumalalang kaso ng kurapsyon.

Binanggit din ni Marcos ang halos ay P4Trillion na nawawala sa bansa dahil sa anya’y kinukunsinting smuggling activities.

Ipina-alala rin ng mambabatas ang kabiguan ng Aquino administration na tugunan ang pangangailangan ng mga residente sa Leyte at Samar na mga nabiktima ng Bagyong Yolanda.

Sinabi ni Marcos na hindi maipaliwanag ng pamahalaan kung saan napunta ang Bilyong Pisong halaga ng pondo na dapat ay ginamit sa mga nasalanta ng bagyo.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Marcos na hindi siya papaya na mahati ang bansa tulad ng ginagawa ng kasalukuyang administrasyon.

Nangako rin ang Senador na pangungunahan niya ang kampanya para sa pagbabago at para maibalik ang dangal ng mga Filipino kasabay ng panawagan sa sambayanan na magkaisa para sa ikata-tatag pa ng ating Republika.

 

TAGS: Erap, Juan Ponce Enrile, manila, Marcos, vice president, Erap, Juan Ponce Enrile, manila, Marcos, vice president

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.