Pag-atake sa judiciary pinaiimbestigahan ng mga abogado sa UN

By Erwin Aguilon April 19, 2018 - 03:51 AM

Hiniling ng iba’t-ibang samahan ng mga abogado sa bansa na imbestigahan ng ‘United Nations special rapporteur on the independence of judges and lawyers’ ang ginagawang pag-atake ng administrasyong Duterte sa hudikatura.

Base sa 16-pahinang report na inihain ng mga abogado sa pangunguna ng Intregrated Bar of the Philippines, umapila ang mga ito ng ‘urgent action’ mula kay UN Special Rappoteur Diego Garcia-Sayan dahil sa panghihimasok ng administrasyon sa ‘judicial independence’.

Ginamit na batayan sa ulat ang mga pag-atake ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno sa publiko at ang hakbang ng administrasyon na mapatalsik ito sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment process sa Kamara at ang quo warranto petition na nakahain sa Supreme Court.

Kasama rin sa report ang banta sa buhay ng mga abogado na kumakatawan sa mga drug suspects at grupo ng mga magsasaka.

Iginiit ng mga ito na mahigit dalawang taon na ang ginagawang pag-atake sa hudikatura ng administrasyon matapos pumalag si Sereno sa ginawang panghihimasok ni Duterte sa ‘judicial power’.

Kabilang rin sa mga nagsumite ng report sa UN ang National Union of People’s Lawyer (NUPL), Alternative Law Groups (ALG), Ateneo Human Rights Center (AHRC), Free Legal Assistance Group (FLAG), Mananangol Laban sa EJK (Manlaban) at International Pro Bono Alliance.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.