Sister Patricia Fox pinalaya na ng Bureau of Immigration
Pinalaya na ng Bureau of Immigration ang 71-anyos na Australian missionary na si Sister Patricia Fox.
Si Sister Fox ay matatandaang dinakip ng mga ahente ng Bureau of Immigration sa tinutuluyan niyang bahay sa Quezon City kahapon at pinigil sa detention cell ng Customs Intelligence dahil umano sa pagiging undesirable alien.
Ang madre ay sinasabing inaresto alinsabay sa mission order na inilabas ni Immigration Commissioner Jaime Morante.
Ang pagpapalaya ay ginawa ni Morante base sa rekomendasyon ng legal division ng Bureau of Immigration matapos na mapag-alaman na may hawak na missionary visa si Sister Patricia at hindi maituturing na undocumented alien.
Ang pagpapalaya ay kaakibat ng kautusan na karagdagang pagsisiyasat sa madre.
Samantala, maghahain ng mosyon ang kampo ni Sister Fox upang payagang makaalis ng Pilipinas at makauwi sa Australia.
Ayon kay Atty Jobert Pajilga, legal counsel ni Fox, nakatakdang bumalik sa kanyang bansa ang inarestong Australian missionary sa susunod na buwan ng Mayo.
Ayon kat Pajilga, hawak ngayon ng Bureau of Immigration ang pasaporte ni Fox upang tiyakin na makikipag-tulungan ito at haharapin ang kaso.
Binigyan rin ng 10 araw ng Bureau of Immigration ang kampo ni Fox upang makapagsumite ng counter-affidavit.
Tiniyak naman ni Pajilga na hindi natatakot bumalik ng Pilipinas si Sister Patricia upang ipagpatuloy ang kanyang mga nasimulan bilang missionaryo dito sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.