Sugatan at buntis na NPA iniwan ng mga kasamahan sa Bukidnon
Natagpuan ng 8th Infantry Battalion ang isang sugatan at limang buwang buntis na miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Sitio Ulayanon, Barangay Kalabugao, Impasugong, Bukidnon.
Ayon kay Philippine Army 4th Infantry Division spokesperson First Lieutenant Teresita Ingente, tinutugis ng mga sundalo ang 40 mga rebeldeng komunista matapos nilang magkaengkwentro nang makita nila ang 22 taong sugatang rebelde na nakilalang si Susan Cabusao Guaynon.
Agad na tinulungan ng mga sundalo si Guaynon at dinala sa pinakamalapit na ospital.
Sa ngayon aniya ay nasa maayos nang kalagayan si Guaynon.
Ayon naman kay 6th Infantry Battalion commander Lieutenant Colonel Ronald Illana, ang pagtulong ng mga sundalo sa nasabing rebelde ay patunay na nirerespeto ng pamahalaan ang karapatang pantao at ang International Humanitarian Law.
Para kay 403rd Infantry Brigade commander Brigadier General Eric Vinoya, dapat ay ang mga kasamahang rebelde ni Guaynon ang sumusubaybay sa kanya, gayung buntis ito.
Aniya, nakakahiya ang ginawang pag-iwan ng mga NPA sa kanilang sugatang miyembro.
Samantala, narekober sa naturang operasyon ang anim na mga armas, kabilang ang mga AK47 rifle at isang Armalite rifle.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.