Ilalatag na checkpoints ng PNP para sa pagsisimula ng gun ban bukas, kasado na
Kasabay ng ganap na pagsisimula ng election period bukas, April 14, magsisimula na rin ang pagpapatupad ng gun ban.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Chief Supt. John Bulalacao epektibo alas 12:01 ng madaling araw ng Sabado, maglalatag na sila ng checkpoints para ipatupad ang gun ban sa buong bansa.
“Ang simula ng gun ban ay mamaya nang pagpatak ng 12:01, mamayang 12:01 midnight ay simula na po ng gun ban yon. So inaasahan yung ating mga kababayan para hindi sila magkaron ng problema sa kanilang mga baril ay huwag na muna nilang dadalhin dahil bawal na bawal na magdala tayo ng baril lalo na sa labas ng ating bahay kung wala tayong gun ban exemption from the Comelec,”
Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Bulalacao ang mga pulis na magsasagawa ng checkpoint.
Aniya, mayroong operational procedure na sinusunod ang PNP sa paglalatag ng checkpoint at mahalagang alam din ito ng publiko sakaling sila ay mapara o maharang sa checkpoint.
“Meron naman po tayong mga sinusunod base sa ating police operational procedure tuwing ang Philippine National Police ay nagsasagawa ng checkpoint. Definitely alam naman po ng ating mga kababayan iyan, na ang mga nagco-conduct ng checkpopint, kailangan doon nila gagawin sa well-lighted place, ang kanilang grupo are all in proper uniform, they should be led by an officer, and then meron silang karatula na “stop for checkpoint” nakasulat po ‘don,” dagdag pa ni Bulalacao.
Sinabi pa ni Bulalacao, visual search lang ang maaring isagawa ng mga pulis sa mga paparahing sasakyan.
Hindi rin obligado ang mga may-ari ng sasakyan na buksan ang kanilang pintuan o bumaba, maliban na lang kung maliban na lamang kung matutukoy ng pulis na ang nasa loob ng sasakyan ay may standing warrant or arrest.
“Ang gagawin naman ng pulis hindi sila maghahalughog sa mga sasakyan, hindi po sila mangangapkap, unless meron silang paniniwala o personal knowledge na ang isang tao na iyan ay may dalang kontrabando. Ang gagawin lang ng pulis ay visual search lang, titignan lang ang sasakyan, pabubuksan lang ang mga bintana, hindi necessarily bubuksan ang mga pintuan at hindi palalabasin ang mga tao. Titignan lang kung ano lang ang maaring makita, visual search na kontrabando, unless makilala ka na ikaw ay isang mayroong warrant or arrest, yun na pwede ka nang kapkapan, sitahin at pwede ka nang arestuhin,” ani Bulalacao.
Ang gun ban ay iiral sa kabuuan ng election period mula April 14 hanggang May 21.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.