Robredo, Marcos, pinagpapaliwanag ng PET sa paglabag sa sub judice rule
Naglabas ang Korte Suprema, na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET), ng show cause order laban kina Vice President Leni Robredo at dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil sa paglabag sa rule na nagbabawal ng paglalabas ng impormasyon kaugnay ng election protest sa 2016 vice presidential race.
Sa 5-pahinang resolusyon, inutusan ng PET ang kampo nina Robredo at Marcos na magpaliwanag kung bakit hindi sila ma-cite for contempt of court.
Binigyan ng Supreme Court ang magkabilang panig ng sampung araw para magpaliwanag.
Sa resolusyon na may petsang February 13, 2018 at March 20, 2018, inutusan ang dalawang partido na obserbahan ang sub judice rule kung saan hindi nila dapat talakayin sa publiko ang merito ng election protest ni Marcos laban kay Robredo.
Sinimulan na ng PET noong April 2 ang manual recount sa Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.
Sa kanyang protesta, inireklamo ni Marcos ang resulta mula sa 132,446 precincts sa 39,221 clusters sakop ang 27 na probinsya at syudad.
Nanalo si Robredo bilang Bise Presidente sa May 2016 elections sa pamamagitan ng 14,418,817 votes o lamang ng 263,473 sa boto ni Marcos na 14,155,344.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.