No work no pay at force leave lang ang pwedeng pairalin sa mga manggagawa sa Boracay at hindi ang pagsibak – DOLE
Pinaalalahanan muli ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga pribadong kumpanya sa Boracay laban sa iligal na pagtanggal o layoff sa kanilang mga empleyado sa loob ng anim na buwang pagpapasara sa nasabing resort island na uumpisahan sa Abril 26.
Ayon sa kalihim, ang pansamantalang pagsuspinde sa operasyon ng mga negosyo ay hindi dapat magresulta sa pagkakatanggal sa trabaho ng kanilang mga manggagawa.
Sinabi ni Bello na maaari lamang ipatupad ang mga employer ang “No Work, No Pay” na panuntunan o kaya ay ipagamit sa mga empleyado ang forced leave upang magamit ang mga leave credits ng kanilang mga manggagawa kung mayroon man.
Kailangan din aniyang pabalikin sa kanilang mga trabaho ang mga empleyado sa oras na alisin na ang pansamantalang pagpapasara sa isla ng Boracay.
Una nagpaabot ng tulong ang labor department sa mga apektadong manggagawa ng isla kabilang na ang pagbibigay ng emergency employment sa kanila.
Mayroon din aniyang 5,000 informal sector na manggagawa at miyembro ng indigenous community sa isla ang magtatrabaho para sa paglilinis ng isla.
Naglaan na ang kagawaran ng inisyal na P60 milyong piso para sa nasabing emergency employment assistance.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.