GMA-7 at Inquirer, magsa-sanib puwersa para sa 2016 Election Coverage
Sa ika-limang pagkakataon, magkasamang gagampanan ng GMA Network at Inquirer Group ang malaking responsibilidad na bigyan ang mga bontante ng tamang impormasyon na kailangan nila para sa darating na halalan.
Nagkaroon na ng pirmahan ng memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng GMA at ng mga election partners nito, kabilang na ang Philippine Daily Inquirer at Inquirer.net.
Para sa Philippine Daily Inquirer, ang presidente nito at CEO na si Sandy Prieto-Romualdez ang pumirma sa MOU, at para naman sa Inquirer.net ay ang presidente nitong si Paolo Prieto.
Kasabay nito, nanawagan si GMA Network CEO at chairman Felipe Gozon sa mga mamamayang Pilipino na maging matalino sa pag-pili ng mga karapatdapat mabigyan ng kapangyarihan na pamunuan ang ating bansa.
Ayon kay Romualdez, ilan sa bahagi ng nasabing partnership ay ang content sharing at pangunguna sa advocacy for clean elections.
Dagdag pa ni Romualdez, marapat lamang na gampanan ng media ang tungkulin nito na ipaalam sa mga botante ang mga plataporma at pananaw sa mga isyu ng mga kandidato, nang sa gayon ay malaman ng mga ito kung sino ang karapatdapat makatanggap ng kanilang boto.
Sa naganap na palatuntunan kung saan ipinakilala ng GMA ang kanilang mga election partners, tinukoy nila ang Inquirer bilang pinaka-pinagkakatiwalaan at pinaka-maipluwensiyang pahayagan sa buong bansa.
Para sa isa sa mga mamamahayag ng GMA na si Mike Enriquez, wala nang ibang makakapantay sa komprehensibong impormasyong maihahatid ng pagtutulungan ng GMA at Inquirer.
Umaasa rin si Enriquez na ang malaki ang maitutulong ng pagtutulungang ito para maging mas matalino at mas maingat sa pagpili ang mga Pilipino bilang botante sa darating na halalan.
Ani Gozon, nagkaroon man ng mga pagbabago sa pamamaraan ng pangangampanya lalo na sa presensya ng makabagong teknolohiya, nananatili pa rin ang dati nang kahilingan ng mga mamamayan na magkaroon ng tapat, mapagkakatiwalaan at mapayapang halalan.
Aniya dahil dito, nangangako sila na maghahatid sila ng tuwid, makatotohanan, at tamang mga impormasyon na may kinalaman sa eleksyon bilang pagsisilbi sa publiko.
Samantala, ayon kay Commission on Elections Chair Andres Bautista, nakikipagtulungan na rin sila sa GMA, Inquirer at iba pang media organizations para sa pagsasakatuparan ng presidential debates.
Kabilang rin sa iba pang mga election partners ng GMA ay ang hilippine Center for Investigative Journalism, Parish Pastoral Council for Responsible Voting, National Citizens’ Movement for Free Elections, Philippine Long Distance Telephone Co., Smart Communications, University of the Philippines, Polytechnic University of the Philippines, Ateneo de Manila University, De La Salle University, University of Santo Tomas, AMA Education System, Waze Mobile, Viber Philippines, PEP, Chamber of Commerce of the Philippine Islands, Catholic Media Network, Youth Vote Philippines, Philippine Bar Association at ang Integrated Bar of the Philippines.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.