Wally Sombero humirit sa Sandiganbayan na sa PNP Custodial Center siya ikulong
Nais ng dating pulis na si Retired Sr. Supt. Wally Sombero na sa custodial center ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame siya makulong.
Ito ay kaugnay sa pagkakasangkot ni Sombero sa plunder case kasama ang mga dating opisyal ng Bureau of Immigration na si Al Argosino at Michael Robles.
Sumuko si Sombero sa Camp Crame makaraang iutos ng Sandiganbayan na siya ay arestuhin na.
Matapos ang pagsuko, humarap sa Sandiganbayan 6th division si Sombero para sa pagdinig ng kaniyang motion to quash.
Ayon kay Atty. Jes Lanete, abogado ni Sombero, sa halip na sa Camp Bagong Diwa mabilanggo dapat ay sa PNP Custodial Center dalhin ang kaniyang kliyente.
Mayroon umano kasing banta sa buhay nito bunsod ng naging trabaho niya dati bilang pulis kung saan pinamunuan niya ang iba’t ibang anti-crime task force.
Maliban sa banta sa buhay ay sinabi ni Lanete na maysakit din si Sombero pero hindi na nito binanggit kung ano ang dinaramdam nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.