Pagtanggi ng SC na makibahagi sa quo warranto proceedings vs CJ Sereno, inapela ng Makabayan bloc
Nanindigan ang kampo ng Makabayan bloc sa Kamara de Representantes at ang mga kasamahan nila na nais na maging intervenor sa quo warranto proceedings laban kay Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno na sila ay may legal na interes sa kaso.
Ginawa nila ang pahayag sa motion for reconsideration na kanilang inihain sa Korte Suprema makaraang ibasura ng hukuman ang kanilang motion to intervene at opposition-in-intervention para sila ay maging bahagi ng kaso.
Kabilang sa mga naghain ng MR na nais na maging intervenor ay sina Bayan Muna partylist Rep. Carlos Isagani Zarate; ACT Teachers partylist Rep. Antonio Tinio at Francisca Castro; Gabriela Rep. Emmy de Jesus at Arlene Brosas; Anakpawis partylist Rep. Ariel Casilao at Kabataan partylist Rep. Sarah Jane Elago.
Sumama rin sa paghahain ng mosyon sina dating Sen. Rene Saguisag at Bishop Broderick Pabillo.
Giit nila sa kanilang apela, nakatalima naman sila sa Rule 19 ng Rules of Court na nagsasabing ang isang tao na may legal interest sa kaso ay papayagan na maging bahagi nito.
Nag-ugat umano ang kanilang legal interest sa kanilang paniniwala na dahil si Sereno ay impeachable officer, ang tanging paraan lamang para mapaalis siya sa pwesto ay sa pamamagitan ng impeachment proceedings.
Dahil ang ilan sa mga intervenor ay mga mambabatas, napagkakaitan din umano sila ng kanilang kulektibong karapatan na pagbotohan sa Kamara de Representantes ang kasasapitan ng impeachment complaint na inihain ni Atty. Larry Gadon.
Naniniwala rin ang mga nais na maging intervenor na ang pagsusulong ng quo warranto petition ay maituturing na forum shopping dahil ilan sa mga batayan sa quo warranto ay ginamit ding basehan sa impeachment complaint.
Nababahala rin umano sila na sa oras na paburan ng Korte Suprema ang quo warranto petition, magiging moot and academic na ang impeachment process sa Kongreso.
Ang ilan naman sa mga nais maging intervenor na hindi miyembro ng Kongreso ay nais na maging bahagi ng kaso bilang nga taxpayer at mamamayan ng bansa kung saan nagmumula ang sovereign power na naghalal sa mga mambabatas na kumakatawan sa kanila sa Kongreso.
Samantala, nakasaad din sa ilalim ng Rule 19 ng Rules of Court na mandato ng korte na tukuyin kung ang intervention ay magreresulta sa pagkaantala o makakaapekto sa karapatan ng mga orihinal na partido sa kaso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.