Sunog sumiklab sa Trump Tower; Isang sibilyan, patay
Sumiklab ang sunog sa ika-50 palapag ng Trump Tower sa Midtown Manhattan, New York City sa USA, 6:00 ng gabi o 6:00 ng umaga, oras sa Pilipinas.
Ayon sa New York City Fire Department, isang lalaking residente sa naturang building ang namatay nang itakbo sa ospital. Sa ngayon, hindi pa alam ang pagkakakilanlan ng biktima.
Apat na bumbero naman ang nakapagtamo ng minor injuries sa pag-apula ng apoy.
Ang Fifth Avenue skyscraper building ay bahagi ng real estate business ni US President Donald Trump kung saan nagsisilbi ring headquarters ng Trump Organization.
Ayon kay Fire Commissioner Dan Nigro, hindi pa matiyak kung naabutan ng apoy ang bahay ng pamilya Trump sa naturang building. Wala naman aniyang miyembro ng pamilya Trump sa kanilang tirahan sa building nang sumiklab ang 4-alarm fire.
Gamit ang kaniyang Twitter account, idineklara ni Trump na naapula na sunog sa tulong ng mahigit 190 na bumberong rumesponde sa insidente bandang 6:43 ng gabi sa US.
Sa ngayon, pansamantalang isinara ang mga kalye sa paligid ng naturang building mula sa mga motorista.
Patuloy pa ring inaalam ang naging sanhi ng sunog.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.