Duterte: Mga komunista ang nakiusap na muling buhayin ang peace talks
Nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang liderato ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) ang humirit para muling buksan ang peace talks.
Posibleng umanong nakita nila na marami na sa kanilang hanay ang nagbabalik-loob sa pamahalaan kaya nagpasya ang mga ito na muling bumalik sa negotiating table.
Sa kanyang pakikipag-usap sa mga pinuno ng militar at pulisya, sinabi ng pangulo na handa ang mga ito na durugin ang komunistang grupo pero nananatili pa ring opsyon ang pagsusulong ng kapayapaan sa magkabilang panig.
Pero nagbabala ang pangulo na dapat itigil ng mga rebelde ang kanilang paniningil ng revolutionary tax at ang pagsunog sa ilang mga heavy equipments ng mga kumpanyang hindi nakikiisa sa kanilang layunin.
Dapat rin umano itigil ng mga kasapi ng CPP-NPA ang kanilang terror act dahil kung hindi ay mababalewala lamang ang muling pagsusulong sa peace talks.
Binigyang-diin rin ng pangulo na handang bumalik sa digmaan ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines ito ay kung sakaling ituloy ng mga rebelde ang kanilang mga iligal na gawain.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.