Dela Rosa excited na kanyang bagong pwesto sa Bilibid
Aminado si outgoing PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa na masaya at malungkot siya sa pagbaba sa pwesto bilang pinuno ng pambansang pulisya.
Pero excited naman siya sa kanyang bagong pwesto sa pamahalaan na pamunuan ang Bureau of Corrections (Bucor).
Sinabi ni Dela Rosa na ang una niyang gagawin sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City ay i-account ang lahat ng mga nakakulong na drug lords doon.
Titityakin umano niya na hindi na makakaporma ang mga ito partikular na sa kanilang iligal na gawain sa loob ng bilibid.
Pero bago ang pag-aasume sa kanyang trabaho ay hihingi umano siya ng ilang araw na bakasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte para ma-enjoy naman niya ang kanyang retirement sa PNP.
Noong January 21 pa sana bumaba sa pwesto si Dela Rosa kasabay ng kanyang 56th birthday na siyang mandatory age of retirement para sa isang pulis.
Pero pinakiusapan siya ng pangulo na magkaroon ng extension ang kanyang serbisyo habang hindi pa siya nakakapili ng ipapalit kay Dela Rosa.
Kamakalawa ay inihayag ng pangulo na nakapili na siya ng bagong PNP Chief sa katauhan ni outgoing National Capital Regional Police Office Dir. Oscar Albayalde.
Si Albayalde ay manunumpa bilang bagong PNP Chief sa April 18.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.