Action plan para sa mga maapektuhang residente ng rehab sa Boracay island, inihahanda na ng DSWD
Inihahanda na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanilang action plan upang makatugon sa posibleng magiging epekto ng pagsasara sa isla ng Boracay sa ilang mga residente.
Ito ay kasunod ng pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsasara sa isla mula April 26.
Ayon kay DSWD Officer-in-Charge Emmanuel Leyco, makikipag-ugnayan ang kagawaran sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno na makabuo ng action plan upang hindi maging pawang negatibo lamang ang epekto ng nakatakdang pagsasara sa isla.
Ayon kay Leyco ilan sa mga posibleng problema na kaharapin ng mga residente partikular ang mga benepisyaryo ng DSWD at senior citizens ay ang pagkawala ng kanilang bahay na tinitirhan at ng kabuhayan.
Inaalam na anya ng kagawaran ang bilang ng tao na posibleng mangailangan ng tulong.
Maari namang magamit ng mga maaapektuhang pamilya ang ilan sa mga serbisyo at programa ng DSWD kabilang ang Sustainable Livelihood Program (SLP), Cash-for-Work (CFW), at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.