DepEd kukuha ng mahigit 75,000 na bagong mga guro ngayong taon
Kukuha ng libu-libong bagong mga guro ang Department of Education (DepEd) para sa paparating na bagong school year 2018- 2019.
Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno, inaprubahan na nila ang pagkuha ng DepEd sa 75,242 na mga bagong public school teachers.
Sa isang forum sa Pasig City, sinabi ni Diokno na layon ng kahilingang ito ng DepEd na mapunan ang kakulangan ng guro sa buong bansa.
Tiniyak ni Diokno na ire-release nila ang budget para sa mga bagong guro sa sandaling mapunan na ang kakailanganing mga posisyon. Sakop ng funding requirements ang sweldo ng mga bagong kukuning guro at iba pang kompensasyon.
Sa 75,242 na mga bagong guro na kakailanganin, 40,642 ay para sa kindergarten at elementarya habang 34,244 ay para sa junior high schools at 356 ang para sa senior high schools.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.