Pag-iral ng hanging amihan magsisimula na ngayong Oktubre
Patapos na ang pag-iral ng thunderstorm sa bansa na naghahatid ng mga pag-ulan sa hapon o gabi.
Ayon kay Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) forecaster Glaiza Escullar, nasa transition period na ngayon ang bansa kung saan, papalipas na ang pag-iral ng thunderstorm.
Sinabi ni Escullar na sa ikalawa o ikatlong linggo ng kasalukuyang buwan ay papasok na ang hanging amihan, o malamig na hangin mula sa Norte. “Patapos na po ang pag-iral ng thunderstorm, 2nd week or 3rd week ng Oktubre ay maaring umiral na ang hanging Amihan,” ayon kay Escullar.
Gayunman, nauna nang nagpa-abiso ang PAGASA na ang ‘bear months’ ngayong taon ay hindi magiging kasing lamig gaya ng nakasanayan dahil sa umiiral pa rin na strong El Niño.
Maging sa mga matataas na lugar sa Norte na talagang nakararanas ng malamig na panahon kapag Ber Months ay makapagtatala din ng bahagyang mataas na temperatura.
Sa buwan ng Enero at Pebrero na karaniwan nang nararanasan ang pinakamalakas na epekto ng amihan, ay bahagya ding mababawasan ang lamig ayon sa PAGASA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.