FDA, nagbabala laban sa herbal drink na galing Indonesia
Nagbabala ang Food and Drugs Administration o FDA kontra sa naglipanang herbal tonic na galing Indonesia na nagsasaad sa pabalat nito na kaya nitong gamutin ang maraming uri ng sakit.
Ayon sa ahensya, dapat iwasan ng publiko ang pagbili ng Sahat Berdan Herbal Drink na una nang pinatawan ng health warning ng FDA noong nakaraang taon dahil sa delikadong ingredients na nakapaloob dito.
Sa pagsusuri, lumitaw na naglalaman ang naturang herbal drink ng corticosteroid at non-steroidal anti-inflammatory drugs na delikado sa kalusugan ng sinumang iinom nito.
Ilan lamang sa mga nakitang ingredients ng Sahat Berdan Herbal Drink ay ang dexamethasone na isang steroid na posibleng magdulot ng gastrointestinal bleeding and ulcers, osteoporosis, muscle weakness, obesity, dyslipidemia, increased risk for infections and pagbagal sa paggaling ng mga sugat.
Bukod dito, nadiskubre ring may laman na diclofenac, paracetamol at ibuprofen ang naturang inumin na maaring magdulot ng kidney failure, at iba pang karamdaman.
Makaraang ipagbawal sa merkado, ibinebenta naman ito ngayon sa pamamagitan ng internet.
Nire-repack na rin ngayon ng mga distributor ang naturang herbal drink at ibinebenta nang walang kaukulang pangalan o brand name.
Batay sa health claim ng Sahat Berdan Herbal Drink, kaya umano nitong mapagaling ang mga sakit tulad ng asthma, ulcer, tumor, anemia, goiter, insomnia, stroke, rheumatism, high blood pressure, kidney stones, migraine, skin allergies, gouty arthritis and tonsillitis, at iba pa.
Gayunman, mariin itong pinagdududahan ng FDA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.